DOJ pumalag sa akusasyon… NBI agent protector ng drug lord – CIDG

MANILA, Philippines - Isa umanong agent ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nagsisilbing protector ng naarestong Chines drug lord na si Jackscon Dy.

Ito ang ginawang pag-akusa kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Anti–Organized Crime Division (PNP-CIDG-AOCD) Chief P/Sr. Supt. Jose Mario Espino matapos na nakuha nila ang impormasyon sa guwardiyang si Roy Dello Miralles na nagpapanggap na pulis na hawak na testigo ng Department of Justice laban  sa kaniya at 19 pulis na kaniyang kasamahan.

Nabatid na si Miralles at isang hardinero na nakilala lamang sa alyas na Dino ang nagbunyag na pinag-agawan umano ng grupo nina Espino ang saku-sakong shabu at P20M sa raid sa bahay ni Dy nang arestuhin ito.

Itinanggi ni Espino ang paratang sa pagsasabing propaganda lamang laban sa kanila ang pag­lutang nina Miralles at Dino na hinihinala nitong nasuhulan na umano ng mga kasamahan sa big time drug syndicates para sirain ang kredibilidad ng PNP.

Si Espino ang namuno sa operasyon para hulihin ang big time Chinese drug lord na si Li Lan Yan alyas Jackson Dy at misis nitong si Wang Li Na sa raid sa Infanta Subdivision sa Little Baguio, San Juan City noong Hulyo 13 ng madaling araw.

Tumanggi muna si Espino na ibunyag ang pangalan ng sinasabing NBI agent na protektor ni Dy.

Aniya, kuwentong kutsero lamang umano ang pinagsasabi sa DOJ ng dalawang witness na sa simula pa lamang ay nagsisinungaling ng magpakilalang mga pulis.

Hinamon naman ni NBI Director Nonnatus Rojas si Espino na suportahan ang kanilang paratang na nagsisilbing protector si Dy ng isang NBI agent para agad na makagawa sila ng kaukulang hakbang.

Maging si Justice Secretary Leila De Lima ay  umalma sa akusasyon ni  Espino na isang NBI agent ang nagbibigay ng proteksyon kay Dy.

 

Show comments