Matapos na mapatay ang mister… 7 buwang buntis nagbaril

MANILA, Philippines - “PAPAHINGA NA AKO, HINDI KO NA KAYA TALAGA, PAGOD NA AKO, KAW NA ANG BAHALA KAY CAI, MAHAL Q KA­YONG LAHAT, SORY PAG PRAY NIO Q PA­LAGE”.

Ito ang nakasaad na suicide note sa cell phone ng 7 buwang buntis na si Maricel Bautista, 25, ng #346 Magtibay St., Pasay City matapos itong magbaril sa kanang sentido gamit ang cal. 22, Black Widow na narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operative (SOCO) at kasalukuyang nasa comatose sa ospital.

Bukod pa sa nasabing suicide note sa cell phone ay nag-post pa ito sa kanyang Facebook account na “Beb susunod na kami ni baby bakit mo kami ini­wan antayin mo kami, bakit hindi mo hinintay si baby”.

Nabatid na ang tinutukoy na Beb ng biktima ay ang mister nito na si Chucky Dee, isa sa limang biktima na pinagbabaril at pinatay ng hindi pa kilalang mga suspek ka­makailan sa tulay sa Pasay Road, Makati City.

Ligtas naman ang sanggol na isang baby boy nang mailabas sa sinapupunan at kasalukuyang nasa incu­bator.

Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biyenang hilaw  ng biktima sa Magtibay St. sa nasabing lungsod.

Ayon kay Cristina  Cruz, 52, biyenang hilaw ng biktima dumating siya sa kanilang bahay at napansin niyang sarado ang kuwarto ng biktima at nang ito ay kanyang buksan ay tumambad ang duguang biktima na may tama ng bala sa sentido katabi ang baril.

Malaki ang hinala ng pulisya na posibleng ma­tinding depression kung kaya’t nagawa ng biktima ang pagpapakamatay dahil sa pangungulila sa napatay na mister na kinumpirma naman ng kapatid nito na si Mariel Alcantara, 20, dalaga.

Show comments