Itinakas ng Ozamis Group sa Cavite noong Pebrero… mag-asawang Chinese drug lord nadakip

Ang mag-asawang Chinese drug lord na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy at asawa nitong si Wang Li na kabilang sa tatlong Chinese drug syndicate na iti­nakas noong Pebrero ng mga armadong grupo sa Gen.Trias, Cavite habang patungo sa korte na muling naaresto kahapon sa kanilang hideout sa Little Baguio, San Juan City. Pinaghahanap pa ang kasamang si Li Tian Hua. – Bening Batuigas –

MANILA, Philippines - Matapos ang halos limang buwang pagtatago sa batas ay muling naaresto ng mga otoridad ang mag-asawang Chinese drug lord na kabilang sa tatlong Chinese drug lord na itinakas ng 14 armadong miyembro ng Ozamis robbery/holdup gang sa Ge­neral Trias, Cavite noong Pebrero sa follow-up ope-rations sa San Juan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang mga nadakip na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy at asawa nitong si Wang Li.

Nadakip ng mga ope­ratiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) NCR ang mag-asawa pasado ala-1:00 ng madaling-araw sa kanilang hideout sa #311 A, M. Infanta St, Infanta Subdivision, Little Baguio, San Juan City kung saan sila nagtago simula pa noong Marso.

Ang mag-asawa, ay una na ring naaresto noong taong 2003 sa nadiskubreng shabu laboratory sa Tanza, Cavite at Parañaque City matapos na mahulihan ng 350 kilo ng droga na nagkakahalaga ng P2.8 bil­yon at kasamang naaresto si Li Tian Hua.

Subalit, noong Pebrero 20 ay pwersahang itinakas ng 14 armadong lalaki ang mga suspek habang patu­ngo sa Trece Martires Regional Trial Court (RTC) para sa isang pagdinig.

Simula nang naitakas ang mag-asawa, sinasabing nagbalik ito sa kanilang ope­rasyon sa ilalim ng isang drug syndicate, hang­gang sa muli silang ma­aresto kahapon.

Nabatid na P5 mil­yon ang ibinayad sa Oza­mis group para ita­kas ang da­lawang high-value drug targets.

Inamin ni Dy na isang miyembro umano ng grupo ang bumisita sa kanya sa Cavite provincial jail at nag-alok ng escape plan kapalit ng naturang mala­king halaga.

Sa kasalukuyan ay walo na sa 14 na suspek na sangkot sa pagtakas ang naaresto at patuloy na pinaghahanap ang anim na iba pa kabilang ang isang Ramil Soler na siya umanong tumanggap ng bayad. Ang mag-asawa ay ikukulong sa Camp Crame habang pinaghahanap pa si Hua.

Show comments