MANILA, Philippines - Labindalawang sibilyan kabilang ang isang sanggol ang dinukot at binihag ng 50 miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sumalakay sa komunidad ng Brgy. Bohe Baca,Tipo-Tipo, Basilan kamakalawa ng hapon.
Ang mga binihag ay kinilalang sina Faija Banua, 44; Dalma Ambihal, 50; Hapsa Ambihal, 28; Satra Banua, 13; Haide Banua, 9; Alsaima Buddiman, 15; Binbin Banua, 9; Kalipa Ambihal, 22; Pasri Ambihal, 2; Haipa Ambihal, 5; Fathma Buddiman, 5 buwang sanggol at isa pang sibilyan na hindi natukoy ang pangalan.
Batay sa ulat, bandang alas-4:20 ng hapon nang salakayin ng grupo ni MNLF Commander Hassan alyas Addang ang nasabing lugar at isa-isang pinasok ang kabahayan at tinangay ang 12 sa mga residente sa lugar.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na paghihiganti ang motibo nang pagbihag sa 12 sibilyan matapos na dukutin rin ng mga kalalakihang mula sa kalaban nilang angkan kaugnay ng tumitinding rido ang tatlong anak na babae ni MNLF Commander Hassan.
Ang tatlong anak na babae ni Commander Hassan na kinilalang sina Umma, Kelma, Pubu; pawang Dumalay ang apelyido ay kinidnap ng angkang mortal na kaaway ng mga ito noong Hulyo 9 sa Triangle, Lamitan City, Basilan.
Nabatid na may tatlong dekada na ang rido sa pagitan ng angkan nina Commander Hassan at ng mga kalaban nitong angkan.
Sa pinakahuling ulat, apat sa mga menor de edad na biktima ay pinalaya na ng grupo ni Commander Hassan.