2 suspek arestado… Dinukot na sanggol nailigtas

MANILA, Philippines -Nailigtas kahapon ng mga awtoridad ang isang sanggol na dinukot ng isang babaeng nagpakilalang talent scout sa Mandaluyong City kamakailan.

Sa pagkakaligtas sa biktimang si Baby Henzel Mae Joy, 3-buwang gulang ay nadakip naman ang suspek na si Lovelyn Casipe, 36, at ang live-in partner nito na si Rex Transon, kapwa residente ng Barangay Ma­ngo­na­ngon, Lagonoy, Camarines Sur.

Ayon kay P/Sr. Supt. Florendo Quibuyen, hepe ng Mandaluyong City Police, kapiling na ng sanggol ng kanyang mga magulang na sina Liezel Diamon at Henry Alcion.

Sinabi ni Quibuyen, dakong alas-5:00 ng madaling araw nang maaresto ang dalawang suspek kanilang tahanan sa Camarines Sur.

Ani Quibuyen, nadakip nila ang dalawa ma­karaang makatanggap sila ng tawag mula sa isang nagpakilalang Ret. Capt. Dominguez sa Barangay Mangonangon at ipinaalam na nakita nila sa kanilang lugar ang mga suspek dala ang sanggol.

Kaya inalerto ni Qui­buyen ang “Task Force Angel’ ng Mandaluyong City Police at mabilis na pinuntahan ang lugar kasama ang mga tauhan ng DSWD at Camarines Sur PNP na nagresulta ng pagkakadakip ng dalawang suspek.

Matatandaang kinaibigan ni Casipe ang mga magulang ng sanggol at pinangakuang gagawing endorser ng gatas ang ka­nilang anak na may kapalit na buwanang sustento pero nang hiramin nito ang sanggol ay hindi na niya ito ibinalik.

 

Show comments