MANILA, Philippines- Binati ng Pangulong Benigno Aquino III si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada sa panunumpa nito kahapon bilang bagong alkalde ng Maynila matapos nitong talunin si Manila Mayor Alfredo Lim noong May 13 elections.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, magsisimula na ang termino ng mga bagong halal na opisyal ng pamahalaan ngayong araw matapos ang kanilang panunumpa kahapon.
Si Mayor Erap ay nanumpa bago mag alas-12:00 ng tanghali kahapon sa harap ni Sen. Juan Ponce Enrile.
Habang si Vice Mayor Isko Moreno at mga nanalong konsehal ay nanumpa sa harap ni Acting Senate President Jinggoy Estrada.
Ang panunumpa ay ginanap sa loob ng session hall kung saan dumalo rin sina Vice President Jejomar Binay, dating Manila Vice Mayor Danny Lacuna, daÂting Senate President Ernesto Maceda, dating House Speaker Jose De Venecia, at pamilya ni Erap sa pangunguna ng kanyang anak na si senator-elect JV Ejercito.
Binalaan rin ng bagong alkalde ang mga corrupt officials ng lungsod, partikular na ang mga pulis na bilang na ang kanilang mga araw.
Ipinagmalaki pa ni Estrada na siya ang kauna-unahan sa kasaysayan na nagkaroon ang Maynila ng alkalde na ex-convict.
Inihalintulad pa ni Erap ang kanyang sarili kina Nelson Mandela, Anwar Ibrahim, Suu Kyi at Ninoy Aquino na pawang convicted.