MANILA, Philippines - Napatay ang isang pulis habang siyam na iba pa ang nasugatan matapos na paulanan ng bala ng mga armadong rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nasa 99 pulis kabilang ang 95 police scout trainees na nagdya-jogging sa bayan ng Tadian, Mountain ProÂvince kahapon ng umaga.
Batay sa ulat, dakong alas-5:45 ng umaga ay nagsasagawa ng pang-umagang ehersisÂyo ang 95 police scout trainees at apat na assistant instructors sa Brgy. Kabungan, Taidan nang ito ay pagbabarilin na ikinasawi ng isang PO1 Denver Balabag.
Nasugatan naman sina PO1’s Melinium Bantas, Alexander Dulnuan, Junete Ngalawen, Jasmine Salve, Jefferson Sari, Edison Waguis, Mitchel Malubon, Pawas Daketan at Robin Benito.
Ang lahat ng mga nasugatang mga pulis ay dinala na sa Luis Hora Hosptital, Abatan, Bauko, Mountain Province gayundin ang bangkay ni PO1 Balabag maÂliban kay PO1 Waguis na inilipat na sa Baguio General Hospital sanhi ng tama ng bala sa kaliwa nitong mata.
Nabatid na abala sa page-ehersisyo ang mga pulis na sumasailalim sa scout training nang paulanan ng bala ng mga rebelde na tinatayang mahigit sa 20 ang bilang.
Kinondena ng pamahalaan ang pag-ambush dahil sa mga walang bitbit na mga armas ang mga police scout traiÂnees.