Sekyu inatado ng saksak habang nagbabantay

MANILA, Philippines -Wala ng buhay nang matagpuan ang isang 61-anyos na security guard sa kanyang binabantayang puwesto sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Ang biktima na tadtad ng mga saksak ng ice pick sa mukha at katawan bukod pa sa hampas ng matigas na bagay sa mukha ay nakilalang si Rodrigo Tadiarca, security guard ng Evergreen Security Service Corporation.

Batay sa ulat, alas-4:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng kanyang kasamahan ang biktima na nakaupo at wala ng buhay sa kanyang binabantayang abandonadong gusali sa may no. 16 Que­zon Avenue corner D. Tuazon, Brgy Doña Josefa sa lungsod.

Nabatid na tatlong outpost na nasa paligid ng gusali ang pinagpapalit-palitan ng biktima at dalawa pa nitong kasamahan para bantayan kada isang oras.

Kaya nang sumapit ang oras para magpalitan ang biktima at kasamahang si Rodel Bingayen-Abeg ay nagulat na lamang ang huli nang makitang nakaupo at tadtad ng saksak ang biktima.

Sa pahayag ng mga kasamahan sa trabaho ng biktima, partikular ang mga nagtitinda ng dyaryo na bago nangyari ang insidente, dalawang kabataan ang nakitang aali-aligid sa lugar na pinaghihinalaang mga suspek.

Show comments