Lasing tumalon sa ilog, dedo

Sinisiyasat ng mga tauhan ng SOCO ang bangkay ni Noli Francisco Jr., makaraang lumutang sa ilog nang ito ay tumalon at maligo habang kasagsagan ng malakas na ulan sa Quezon City. – Boy Santos –

MANILA, Philippines - Dedo ang isang 27-taong gulang na lasing na lalaki makaraang tumalon at maligo sa ilog habang kasagsagan ng malakas na ulan sa Quezon City, kamakalawa ng umaga.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Noli Francisco Jr., residente sa  no. 503 Talayan Riverside, Barangay Talayan, sa lungsod.

Ayon sa pulisya, ang biktima ay natagpuan sa may San Juan River malapit sa Maria Blue Bridge sa kahabaan ng E. Rodriguez Blvd., Brgy. Damayang Lagi, ganap na alas-7:40 ng umaga.

Bago nito, lumilitaw na alas-10:00 kamakalawa ng gabi ay masa­yang nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan malapit sa creek ng Talayan Riverside, nang maisipan nitong maligo at tumalon sa ilog.

Dahil sa malakas ang buhos ng ulan at agos sa ilog kaya hindi na lumitaw pa ang biktima hanggang sa lumutang na lamang ang bangkay nito kinabukasan malayo sa pinagtalunan nito.

 

Show comments