MANILA, Philippines - Rumesbak ang isang 67-anyos na abogado sa isang 51-anyos na barker na nambastos umano sa kanyang anak at apo nang hambalusin ang huli ng tubo sa ulo at batok kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.
Ang biktima na si JoseÂlito Macario, binata, ng no. 1532-D S.H. Loyola St., Sampaloc, Maynila ay nasa sa Ospital ng Sampaloc para magpa-medical para sa isasampang reklamo laban sa suspek na si Atty. Augusto Marte, ng no. 74-J Extremadura St., Sampaloc, Maynila, nang mawalan ito ng malay at binawian ng buhay habang nasa pagamutan.
Batay sa ulat, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-5:30 hanggang 6:00 ng hapon sa eskinita sa Extremadura St., Sampaloc habang ang biktima at ilang kaibigan nito ay nakikipaÂnood sa telebisyon sa isang bahay sa nasabing lugar nang dumaan ang suspek at hinataw ng tubo ang biktima.
Bagama’t may tama sa ulo, tinangka ng biktima na lumaban sa suspek, subalit inawat siya ng mga kaibigan kaya nagtungo na lamang siya sa barangay upang ireport ang insidente.
Gayunman, nakaranas siya ng pananakit sa ulo kaya nagtungo siya sa ospital kung saan siya nag-collapse at tuluyang namatay.
Ang suspek ay inaresto ng mga tauhan ng MPD-StaÂtion 4 at nakatakdang sampahan ng kaso.
Ayon naman sa misis ng suspek na galit umano ang kaniyang mister sa mga tambay sa lugar dahil binabastos ang kaniyang mga anak at apong babae.