MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na miÂyembro ng Waray-Waray Group na responsable sa serye nang panghoholdap sa bangko ang nadakip nang salakayin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanilang safehouse sa Parañaque City.
Ang dalawang suspek ay kinilalang sina Cayo Longcop, 28 at ang pinsan nitong Ronaldo Longcop, 47, kapwa residente ng Barangay Manggahan Bukid I , Merville ng lungsod habang nakapuslit ang sinasabing lider ng grupo na si Noli del Monte, na wanted sa kasong frustrated homicide.
Nabatid na ang mga suspek ay siyang responsable sa panghoholdap sa BDO sa Imus, Cavite at isang money changer sa Metropoint sa Pasay City.
Ang pagsalakay ng NBI AOCD ay batay sa bisa ng warrant of arrest na pinalabas ni Judge Marino dela Cruz Jr., ng Manila Regional Trial Court, Branch 22.
Nabatid na Nobyembre 2012 nang i-surveillance ng NBI ang mga galaw ng grupo hanggang sa makumpirmang bumili pa ang grupo ng graÂnada.