Nagbabantay ng PCOS, parak dinedo

MANILA, Philippines - Dedo ang isang pulis habang suga­tan ang isang barangay tanod makaraang pagbabarilin ng apat na mga armadong lalaki habang abala sa pagbabantay ng mga Precint Optical Scan (PCOs ) machine sa isang voting center sa Borongan City, Eastern Samar nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 8 Di­rector P/Chief Supt. Elmer Soria, ang nasawing pulis na si PO1 Agerico Afable.

Si Afable ay dead-on-the-spot sa pinangyarihan ng insidente dahil sa tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nasugatan naman  ang Brgy. Tanod na si Glice­rio Gema habang masuwerteng nakaligtas ang isa pang barangay tanod na si Ronnie Besana na nagpanggap na patay sa insidente.

Ayon kay Soria, naganap ang pag-atake ng mga armadong suspek sa pagitan ng alas-3:30 hanggang alas-4:00 ng ma­daling-araw kung saan pinaputukan ng mga ito ang PNP-Barangay Patrol Assistance Team (BPAT) security team na nakatalagang magbantay ng mga PCOs machine sa voting precint sa Brgy. Calingat­ngatan, Boro­ngan City.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga salarin tangay ang armas at uniporme ng isa pang pulis na si PO1 Cesar Yu .

Hindi naman ginalaw ng mga suspek ang mga PCOs machine sa loob ng naturang voting center.

Narekober sa pinang­ya­rihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng cal 9 MM na siyang ginamit ng mga salarin.

Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ng PNP-Region 8 sa insidenteng ito para matukoy at madakip ang mga salarin.

 

Show comments