Pinas kaya pang umangat - Bro. Eddie

MANILA, Philippines - Naniniwala si senatorial candidate Bro. Eddie Villa­nueva na mas lalong bibilis ang pagtaas ng ekonomiya ng bansa kung isasali dito at mas bibigyang prayoridad ng pamahalaan ang mga mahihirap.

Ito ay kasunod ng pagpuri ng isang credit-rating agency sa Pilipinas bilang isang “rising star” dahil sa pag-angat ng ekonomiya.

Sa pagharap sa mga mamamahayag kahapon ni Bro. Eddie na kapag pinalad umano siyang mahalal bilang senador sa nalalapit na eleksyon, gagawa siya ng isang batas na tuluyang magpapa­angat sa kabuhayan ng mga mahihirap na mamamayan.

Sinabi ni Villanueva na ang kailangan ng bansa ay ang pag-unlad ng industriya at lumikha ng industrial backbone na batay sa agrikultura at pabrika.

Binigyang-diin ni Villanueva na isa ring ekonomista na hindi lang dapat asahan ng gobyerno ang remittances mula sa daan-daan libong overseas Filipino workers na bagaman malaki ang naitutulong sa gobyerno ay panandalian lamang umano ito.

“Kailangan na ang pag-unlad ng ekonomiya ay maramdaman ng mahihirap hindi lang ang ma­yayaman na patuloy ang pagyaman,” ani Villa­nueva.

Bukod sa pag-unlad ng kabuhayan  ng mga mahihirap, tututukan din ni Villanueva ang proteksyon ng mga OFWs, babaguhin ang sistema ng edukasyon na lilikha ng hindi lamang skilled workers, laborers at technicians kundi mga engineers at scientists na magiging daan para tumulong sa pag-angat ng industriya ng bansa.

Base sa report ng Moody’s Analytics, ang Pilipinas ay maaaring umunlad sa pagitan ng 6.5 hanggang 7 porsyento at tinatayang walong porsyento sa 2016.

Show comments