Nanita sa mga nag-iinuman… ulo ng sarhento pinasabog

MANILA, Philippines - Dalawang tama ng bala sa ulo ang itinanim sa isang miyembro ng Armed Forces of the Philippines ng anim na kalalakihan na nairita sa ginawang paninita sa ka­nila ng una habang nag-iinuman kamakalawa ng gabi sa Brgy. Manresa, Quezon City.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang bik­timang si Sgt. Christopher Servano, 40, may-asawa, miyembro ng Philippine Marines at residente ng Compound 3, Door 4, Ma­katuring St., Brgy. Man­resa sa lungsod.

Agad din naaresto ang tatlo sa anim na suspek na kinilalang sina Ariel Sampaga, 34; at kapatid nitong si Fernando, 28; at Jimboy Rondina, 25 sa follow-up operations.Tinutugis pa ang ibang suspek na kinilalang sina Dante Sampaga, 29; Benjie Sampaga, 32; at isang hindi pa nakikilalang salarin.

Narekober din kay Sampaga, ang isang Armscor 200 caliber 38 na may limang bala, habang kay Rondina ay isang kalibre 45 baril na may lamang 11 bala.

Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-8:00 ng gabi sa harap ng Compound 3, Makatu­ring St., Brgy. Manresa ay sinita umano ng biktima ang mga suspek na nag-iinuman.

Hindi umano nagustuhan ng mga suspek ang ginawang paninita ng biktima kung kaya’t pinagbabaril nila ito.

Lumalabas sa imbestigasyon na mayroon na palang matagal na alitan ang biktima at ang isa sa mga suspek na si Benjie na nagsimula noong pang December 2012.

Show comments