2 collectors ng Customs kinasuhan sa pamemeke ng SALN

MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong kriminal at administratibo ng Department of Finance (DoF) ang dalawang  collectors ng  Bureau of Customs (BoC) sa tanggapan ng Ombudsman dahil umano sa pamemeke ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Ang mga kinasuhan ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ang anti-graft  unit  ng DOF  ay sina Jose Cajigal Tabanda, collector  ng Customs Intelligence and Investigation Service at Romalino Gabriel  Valdez, umaaktong Acting Deputy Collector for Administration sa Clark International Airport.

Ayon sa DOF, mula 2000  hanggang  2010, dalawang real properties lang ang dineklara ni Tabanda at hindi rin binanggit sa kanyang SALN ang halaga ng pagkakabili.

Maliban pa rito, hindi rin sinulat ni Tabanda sa kanyang SALN ang residential property sa Quezon City, ang  kanyang negosyo na TC Medical Laboratory sa Mandaluyong City at ang biniling Mazda Pick-Up noong September 12, 2000.

Kulang din umano ang kuwalipikasyon ni Tabanda bilang Collector of Customs IV dahil wala siyang  master’s degree, taliwas sa sinasaad sa personal data sheet o PDS na siya ay nagtapos ng Bachelor of Laws mula sa University of the East (UE)-Manila noong 1984 at nakapasa  sa Bar Examinations noong 1985.

Natuklasan din ng DOF na si Tabanda ay nakatapos ng Bachelor of Arts in Political Science sa Far Eastern University noong Oktubre 16, 1978 at hindi siya mi­yembro ng Philippine Bar.

Sa kaso ni Valdez, sobra-sobrang kayamanan ang naipundar nito gaya ng properties sa Makati City, Batangas, Bulacan, Laguna, Quezon City, Baguio, Davao City, Pasig City at Nueva Ecija ngunit nang usisain sa Treasurer and Assessor’s Office sa mga nabanggit na lugar  ay pinatunayan umano  na  ang respondent at kanyang pamilya ay walang dineklarang real property for taxation purpose.

 

Show comments