MANILA, Philippines - Apat na katao ang dinakip sa isinagawang entrapment operations sa Caloocan City sa unang araw ng crackdown laban sa mga nagbebenta ng signal jammers.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Giovanni Penaloza Dee Tan, may-ari ng Zellnor International Merchandising at Brand Philippine Com. Inc., at mga empleyado nito na sina Matthew Mercado, Rommel Ogo at Betsayda Bueda at nasamsam sa mga ito ang 14 piraso ng signal jamming device.
Nabatid na ng mga signal jamming device ay may kapasidad na humarang ng signal ng mga cellphone at wifi hanggang 20 metro upang masabotahe ang pagtra-transmit ng resulta ng eleksyon sa mga Precint Count Optical Scan (PCOs) sa panahon ng canvassing.
Magugunita na noong Huwebes ay nagbabala sina Interior and Local Governtment Secretary Mar Roxas at Comelec Chairman Sixto Brillantes na maaaring masabotahe ng mga signal jammers ang resulta ng halalan.
Nabatid na nagsagawa ng entrapment operation ang PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa ilalim ng pamumuno ni Supt Bernard Yang sa 79, 84 at 4th Avenue, Grace Park, Caloocan City matapos na i-tip ng isang concerned citizen hinggil sa taong nagbebenta ng signal jammers sa internet.
Sa pamamagitan ng impormante ay nakipag-communicate ng mga otoridad sa ibinigay na cellular phone number ng nagbebenta na ipinoste sa website ng www.sulit.com.
Ang raid ay sinaksihan din ng mga personnel ng National Telecommunications Commission (NTC) na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na nakatakdang kasuhan ng Republic Act No. 1937 (Tariff and Customs Act) at RA 8792 (E-Commerce Law).