3 pulis, misis tiklo sa P5-M shabu

MANILA, Philippines - Nasakote ng mga otoridad ang tatlong pulis at misis ng isa sa mga ito sa naganap na shabu drug bust na kung saan ay nasamsam ng may 1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P5-M sa Pasay City ka­makalawa.

Ang mga nasakoteng suspek ay kinilalang sina PO1 Jonathan Barredo, misis nitong si Maria Yehlen Felipe; PO1 Josephone Penaloso at PO2 Marc Lawrence Felipe.

Sa ulat ni PNP-AIDSOTF Director P/Sr. Supt. Napoleon Taas bandang alas-5:30 ng hapon kamakalawa nang masakote ng pinagsanib na elemento ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC), PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at Naval Intelligence Security Force ang mga suspek sa isinagawang operasyon sa parking area ng Resorts World sa New Port City, New Port Complex sa Villamor Air Base, Pasay City.

Nasamsam mula sa mga suspek ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P5-M, isang 9MM semi automatic pistol at ang kulay puting Nissan Urvan (PQP 455) na gamit ng mga ito sa illegal na operasyon.

Magugunita na si Barredo ay nasangkot sa robbery/holdup noong Disyembre 2012 sa Quezon City at isinailalim sa imbestigasyon.

Inakusahan din ito sa pagnanakaw ng license plate ng isang sport uti­lity vehicle na nakakabit sa SUV noong Disyembre 19, 2012 na ginamit nito sa illegal na aktibi­dad.

Show comments