Pork barrel ni Malapitan ipinatigil ng DBM

MANILA, Philippines - Ipinatigil ng Department of Budget and Ma­nagement (DBM) ang pag­papalabas ng pondo ng mga mambabatas lalo na’t  mula sa kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa pork barrel.

Ikinatuwa ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri,  ang naging desisyon ni  Budget Secretary Florencio B. Abad, na hindi sila magpapalabas ng anumang disbursement ngayon panahon ng halalan, dahil sinusunod nila ang Omnibus Election Code na kung saan mula pa nitong Marso  29 hanggang sa Mayo 13 ng taon ito ay mahigpit na ipinagbabawal na magpalabas ng mga disbursement mula sa mga pondo ng mga Kongresista kahit na ano mang proyekto nito hanggang di pa natatapos ang halalan.

Ang pahayag na ito ni Secretary Abad, ay bunsod ng paggamit ng pork barrel ni Caloocan Congressman Oscar Malapitan mula sa PDAF na nasa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagagamit umano nito sa eleksyon gayung siya ay kandidato sa pagka-alkalde ng lungsod ng Caloocan.

Magugunita na noon nakaraang linggo kinatigan ni Caloocan City Re­gional Trial Court Judge Dionesio Sison ng Branch 125, ang inihaing petition for Temporary Restraining Order (TRO) ni Mayor Echiverri at National Liga ng Barangay President Rico Judge “RJ” Echiverri  na naglalayong ipatigil ang pamumudmud nito ng kanyang pondo mula sa medical assistance fund na nasa DSWD.

 

Show comments