MANILA, Philippines -Upang bigyan ng pagkilala ang yumaong ‘King of Comedy’ na si Dolphy o Rodolfo Vera Quizon sa tunay na buhay, kaya ipinagpatayo ito ng rebulto sa harapan ng Museong Pambata sa TM Kalaw at Roxas Boulevard, Ermita, Maynila.
Binuksan sa publiko at pinasinayaan kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang ipinatayong rebulto ni Dolphy upang manatili ang alaala at mga nagawang kabutihan sa bayan at mga Pilipino.
Nais ni Lim na maging ang mga bago at sisibol pa lamang na henerasyon ay kilalanin, dakilain at gawing inspirasyon ang kabutihan ng actor na tahimik lamang na nagkakawang-gawa sa kapwa.
Dumalo sa pasinaya ang kapatid ni Dolphy na si Laura at mga anak na sina Dolphy Quizon, Jr., Vandolph, Epy, Eric, Ronnie, Nicole, Sally at Rolly Quizon.
Sinaksihan din ng mismong iskultor na may gawa ng estatwa na si Jonas Roces ang pagbubukas sa publiko ng monumento at sina Movie and Television Review Classification Board chairman Atty. Eugenio `Toto’ Villareal, National Historical Commission of the Philippines executive director Ludovico Badoy at Museo Pambata Foundation, Inc. president Cristina Yuson at marami pang iba.