Holy Week attack… 2 CAFGU patay sa NPA

MANILA, Philippines - Patay ang dalawang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) makaraang pagbabarilin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang ginaganap na Station of the Cross ng mga deboto bilang paggunita  sa Semana Santa sa Butuan City, Agusan del Norte nitong Biyernes Santo ng umaga.

Ayon kay Lt. Col . Eugenio Julio Osias IV, bandang alas-5:00 ng umaga habang nagpru-prusisyon ang mga debotong Katoliko bilang bahagi ng tradisyunal na Station of the Cross sa araw ng Biyernes Santo ng magpaulan ng bala ang mga armadong rebelde sa Sitio Iyaw, Purok IV, Brgy. Anticala ng lungsod.

Sa nasabing insidente ay tinamaan ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan at agad na nasawi ang dalawang CAFGU na sina Ariel Andohuyan at Ernie Darasin na sinasabing nagbibigay ng seguridad sa ginaganap na Station of the Cross.

Nagpanic at nagtakbuhan naman ang iba pang deboto na kasama sa prusisyon  nang makita nilang duguan bumagsak ang dalawang biktima.

Kinondena ng mga awtoridad ang mga sumalakay na NPA dahil hindi man lamang nila iginalang o nirespeto ang paggunita ng Mahal na Araw.

Nabatid na ang gina­wang pagsalakay ay bahagi ng pagdaraos ng ika-44 taong anibersaryo ng New People’s Army (NPA) kahapon.

Show comments