MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang isang ministro ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) o Aglipayan Church habang sugatan ang limang kasama nito na naganap sa Libertad, Misamis Oriental, noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Sofronie Bombeo, 52 anyos, ministro ng nasabing relihiyon.
Sugatan namang isiÂnugod sa pagamutan ang mga kasama ni Bombeo na sina Cocoy Juliada, Santos Acain, Felixberto Villarin, Crispin May Poblete at Lucita Ceballo na pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa paa at binti.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 10, katatapos lamang magdaos ng misa noong Huwebes ng gabi ng biktima nang maganap ang krimen sa function hall ng IFI Cathedral sa Poblacion, Libertad.
Ayon sa report, bigÂla na lamang umanong pumasok sa function hall ang mga armadong salarin na nagpanggap na mga kasapi ng IFI at saka hinanap ang biktima.
Nang makitang kumakain ng hapunan kasama ang iba pang kasapi ng IFI nang bigla na lamang pagbabarilin ng malapitan si Bombeo at kahit lugmok na ito binabaril pa.
Nakuha ng pulisya sa ginaganapan ng krimen ang mga basyo ng bala ng kalibre 45 baril at 9mm.
Isa ang tinitingnan motibo ng pulisya sa nasabing insidente ay paghihiganti at matinding galit ng mga suspek sa biktima dahil tiniyak itong patay na bago tuluyang iniwang nakatimbuwang.