Sundalo na sumaklolo sa kapitbahay, napatay

MANILA, Philippines -Isang sundalo ng Philippine Marines ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na miyembro ng Akyat Bahay gang matapos ang tangkang pagtulong sa kapitbahay na pinasok ng mga suspek kamakalawa ng gabi sa Villa Luisa Homes Subdivision, Brgy. San Agustin 3, Dasmariñas City, Cavite.

Ang nasawi ay kinilalang si M/Sgt. Cornelio Serillo Jr., 53-anyos, residente ng Blk. 16, Lot 30 Yakal St., Phase 1 ng nasabing subdivision.

Hindi naman nakilala ang dalawang suspek na mabilis na tumakas matapos ang ginawang pamamaril.

Sa ulat, dakong alas-8:10 ng gabi nang pasukin ng dalawang suspek na armado ng baril ang bahay ng mag-asawang Ricky, 43 at Melinda Aquino.

Narinig ng biktima ang pagmamakaawa at pag-iyak ng mag-asawa sa dalawang suspek  kung  kaya’t lumabas ito ng kanyang bahay upang alamin ang nangyayari.

Subalit, agad siyang sinalubong ng putok ng baril ng mga suspek na  agad din tumakas ta­ngay ang mga ninakaw sa bahay ng mga Aquino.

Show comments