QC serial killer gumagala

MANILA, Philippines - Isa umanong serial killer ang gumaga­la ngayon sa Quezon City kung saan ang pinakahuling biktima nito ay kanyang ‘binurdahan’ ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kaha­pon ng umaga.

Ayon kay PO3 Erickson Isidro ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, ang biktima na nagtamo ng 11 saksak sa katawan at leeg ay nakila­lang si Ronald Espina, 39, may-asawa, at isang fish vendor.

Si Espina ay pangalawa na sa mga biktima na nakikitang may mga tama ng saksak sa katawan sa University Avenue, malapit sa C. P Garcia Avenue, UP Diliman sa lungsod.

Nitong Sabado ng alas-6:00 ng umaga, isang Ronel Bayuba, 45, tricycle driver ng Brgy. Krus na Ligas ang natagpuan din sa C. P Garcia Avenue na isang malamig na bangkay at tadtad ng tama ng saksak sa buong katawan.

Isang Ricardo Angeles, ang nakakita sa biktima habang nagkasubsob sa naturang kalye dahilan para agad niyang ipinagbigay alam ito sa awtoridad.

Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima ganap na alas-9:00 ng gabi matapos na magpa-alam umano ito sa kanyang kahera na lalabas sandali para makipagkita sa isang kaibigan.

Naniniwala ang pulisya na maaaring ang dala­wang insidente ng pananaksak sa lugar ay isang tao lamang ang may kagagawan, kung kaya pinag-iingat nila ang publiko kapag dumaraan sa nasabing lugar.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon at follow up operation ang pulisya para matukoy at madakip ang responsable sa naganap na magkasunod na pagpatay sa nasabing lugar.

 

Show comments