MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni Army Spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang na impostor na sundalo ang napatay na babae na nakuhanan ng ID ng AFP na nagpakilalang si Army Captain Christine Tugade matapos pagbabarilin ng isang sekyu na kinokotongan nito.
Ayon kay Cabangbang, kanilang ibineripika sa kanilang rooster ang pangalan ni Tugade, at dito ay napatunayan na peke ito habang ang suspek na si Melodio Tindoy, security guard na nagtratrabaho sa Kintanar Security Agency na nakatalaga sa Philtranco Bus Terminal sa Cubao, Quezon City ay dating miyembro ng Philippine Army, pero natanggal sa serbisyo matapos na umano’y mag-AWOL (Absence Without Official Leave).
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagpakilala si Tugade kay Tindoy bilang opisyal ng Philippine Army at nangakong tutulungan ang huli na makabalik sa serbisyo kapalit ng P10,000 halaga.
Napagtanto naman ni Tindoy na nangongotong lamang ang biktima kaya’t isinumbong niya ito sa pulisya para magsagawa ng entrapment.
Nainip naman ang suspek sa mga pulis na nangako ng entrapment operation kaya’t binaril at napatay ang biktima na nakuhanan ng pekeng ID ng AFP. -