623 Pinoy refugees pa mula Sabah dumating

MANILA, Philippines - Mahigit 623 Pinoy re­fugees mula Sabah, Malaysia ang ligtas na nakarating sa Bongao, Tawi-Tawi matapos magsilikas sa nasabing bansa bunga ng bakbakan ng mga otoridad doon at ng Sultanate of Sulu Royal Army.

Ang mga refugees na lulan ng mga bangka at may dalang ilang sako ng bigas na galing sa Sandakan, Malaysia ay naharang ng mga barko ng Philippine Navy sa Ta­ganak  Island at inihatid sa Bongao, Tawi-Tawi.

Sa ulat ng Task Force Tabang BASULTA (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi), una nang dumating sa Zamboanga City ang nasa 300 evacuees sa pag-uumpisa pa lamang ng madugong sagupaan sa pagitan ng Malaysian forces at ng grupo ni Datu Raj Muda Agbimuddin Kiram sa Lahad Datu, Malaysia  noong Lunes.

Kamakailan lamang ay nasa 72 evacuees din ang nagsilikas at duma­ting sa Simunul, Island sa Tawi-Tawi sa takot na maipit sa umaatikabong bakbakan doon.

Nabatid na nagsilikas ang huling batch ng mga refugees matapos ang hakbangin ng Malaysia na dak­pin ang mga pinaghihinalaang terorista umano mula sa grupo nina Sultan Kiram pero karamihan sa mga hinuli ay mga sibil­yang Pinoy na nagtratrabaho doon.

 

Show comments