MANILA, Philippines - Pinagtataga hanggang sa mapatay ang apat na miyembro ng isang pamilya ng kanilang kapitbahay na baliw naganap sa Brgy. Poblacion, Pio Corpus, Masbate kahapon.
Ang mga nasawing biktima ay ang mag-asawang Jimmy at Elena Dublin; mga anak nilang sina Jason, 13 at Gerald, 9 na pawang nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng pamilya ng isa nilang kapitbahay sa Sitio Malamag, Brgy. Poblacion ng nasabing lalawigan.
Nagawang makaligtas ang dalawang anak ng mag-asawa na sina Jenelyn, 11 at John-John matapos ang mga itong lumusot sa dingding ng kanilang kubo at siyang nagturo sa suspek na si Buenacio Lalacan na mabilis na tumakas nang maisagawa ang krimen.
Halos na-trauma ang dalawang nakaligtas na bata nang masaksihan mismo ang pananaga sa kanilang mga magulang at dalawang kapatid matapos silang maalimpungatan sa kalabugan sa loob ng kanilang kubo na pinasok ng salarin.
Hindi pa matukoy ang motibo ng krimen maliban sa ang suspek ay may diperensiya umano sa pag-iisip.