Bata natupok sa araw ng kaarawan

MANILA, Philippines - Napalitan ng dalamhati ang masaya sanang pagdiriwang ng ika-9 taong kaarawan ng isang batang babae matapos na ito ay masunog sa loob ng kanilang bahay kahapon sa Quezon City.

Bangkay na nang ma­tagpuan ang birthday girl na si Ana Relano, matapos ang sunog na naganap sa kanilang lugar sa Evangelista St., Brgy. Tagumpay sa lungsod.

Sinasabing si Ana na ipinanganak noong Pebrero 29, 2004 ay magdiriwang sana ng kanyang kaarawan kahapon at iniwan ng kanyang nanay na si Jennalyn para mamili ng panghanda nang maganap ang sunog.

Sa imbestigasyon, su­miklab ang sunog ganap na alas-4:50 ng madaling-araw sa ikalawang palapag ng bahay umano ng isang Mendez Sollano.

At dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay sa lugar ay mabilis na kumalat ito hanggang sa umabot sa ika-5 alarma.

Pasado alas-6:20 ng umaga nang tuluyang ideklarang fire out ang sunog at nang isagawa ang clearing operation ay saka natuklasan ang sunog na bangkay ng bata.

Show comments