Power barge ng NAPOCOR niratrat

MANILA, Philippines - Pinagbabaril nang mahigit sampung armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang Natio­nal Power Corporation (NAPOCOR) power barge na nagdulot ng blackout sa buong Isabela City, Basilan  kamakalawa ng gabi.

Batay sa ulat, bandang alas-10:15 ng gabi nang pagbabarilin ang NAPOCOR Power Barge na matatagpuan sa Sitio Palar, Brgy. Tabuk ng lungsod.

Nabatid na lulan ng dalawang pumpboats, isa rito ay pito ang armadong sakay habang ang isa naman ay tinatayang nasa lima o higit pang mga bandido ang lulan.

Nagresponde ang mga elemento ng 15th Special Forces Company (SFC) at naitaboy ang mga bandido na mabilis na nagsitakas patungo sa direksyon ng karagatan ng Lantawan na sinamantala ang kadiliman ng gabi.

Pinaniniwalaan naman na bahagi ng harassment ng grupo ng mga bandido ang insidente matapos na una ng magpadala ng ‘extortion letter’ sa BASELCO.

Bunga ng insidente, inalerto na ng opisyal ang buong puwersa ng militar sa lalawigan hinggil sa posibleng ‘diversionary tactics’ na ilunsad pa ng bandidong grupo.

 

Show comments