MANILA, Philippines - Todas ang isang binata matapos siyang malapitang barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek sa Binondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Agad na nasawi ang biktimang si Leonardo Lariza, 26, na sinasabing kingpin o peacemaker na nakatira sa 101 Gate 48 , Parola compound, Binondo, Maynila dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo.
Sa imbestigasyon ni PO3 Cris Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, nabatid na dakong alas-8:45 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa MICT Road malapit sa Gate 4 ng Parola compound, Binondo.
Papauwi na umano ang biktima sa kanilang bahay at habang naglalakad ito sa madilim na lugar ay isang hindi nakilalang lalaki ang lumapit sa kanya at malapitang binaril ng dalawang beses sa ulo. Inaalam pa ang pagkakilanlan ng suspek at motibo sa pamamaslang.