Asteroid, dumaan malapit sa Earth – PAGASA

MANILA, Philippines - Isang asteroid ang sina­sabing dumaan malapit sa Earth kahapon ng mada­ling-araw.

Sinabi ni Renato de Leon, meteorologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Admi­nis­tration (PAGASA) mula sa UP Obser­vatory, naitala ang pagdaan ng asteroid sa layong 27,700 kilometro sa Earth.

Ayon kay de Leon, ito na  ang pinakamalapit na distansya ng dumaang asteroid sa Earth sa kasaysayan at mas malapit pa ito kumpara sa mga man-made satellite na nasa layong 35,000 kilometro.

Naitala ang pagdaan ng asteroid sa pinakamalapit nitong distansya dakong alas-3:24 ng madaling-araw.

Dahil sa kaliitan ng asteroid at pagiging maulap ng kalangitan, hindi ito nasulyapan ng mga tao.

Sinabi ni de Leon na batay sa kanilang pagsusuri ay walang kinalaman at kaugnayan ang asteroid na dumaan sa earth sa tu­mamang meteorite sa Russia. Ang asteroid anya ay may  laki na katumbas ng isang Olympic-size swimming pool.

Tinututukan na aniya ng PAGASA ang Asteroid Apophis na lalapit naman sa Earth taong 2029 bagamat wala pang nakikitang pagtama nito sa daigdig.

 

Show comments