MANILA, Philippines - Patay ang isa sa tatlong hinihinalang holdaper makaraang kumasa at makipagbarilan sa mga pulis matapos nilang holÂdapin ang isang pampasaherong jeep sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Rex Tan, 27, ng Remigio St., Sta. Cruz, Maynila sanhi ng tama ng bala sa dibdib at sa binti.
Batay sa ulat ni Det. Glenzor Vallejo ng Manila Police District- Homicide Section naganap ang krimen dakong alas- 2:30 ng madaling araw sa panulukan ng Lope de Vega at Teodora Alonzo Sts., sakop ng Sta. Cruz.
Nagpapatrolya sina PO1 Robert Dulay at PO3 Jennifer Manguerra nang humingi ng tulong sa kanila ang mga pasahero ng jeep na hinoldap ng tatlong kalalakihan na sumakay ng tricycle matapos ang insidente.
Sinita ng mga pulis ang mga suspek subalit isa sa kanila ang agad na naglabas ng baril at lumaban sa mga awtoridad na naging dahilan ng kanyang kamatayan habang ang dalawang nitong kasama ay nakatakas. Tinangka pang isugod sa ospital ang suspek subalit nalagutan din siya ng hininga.