MANILA, Philippines - Dedo ang isang checker matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang papunta sa kanyang trabaho kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead on arrival sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si John Neil Latido, 41-anyos at residente ng Tulingan St., Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.
Inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek at nagsasagawa pa ng follow-up laban dito.
Ayon sa Station Investigation Division (SID) ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:40 ng gabi, malapit sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.
Habang naglalakad ang biktima patungo ng trabaho nang sumulpot ang suspek at pagbabarilin si Latido.
Kahit may tama ay nagawang makabalik ng bahay ang biktima at nang malaman ng anak na lalaki ay hinabol ang suspek hanggang sa magpambuno ang dalawa.
Dahil mas malakas ang suspek ay nagawang makawala at tuluyang nakatakas habang dinala naman ang biktima ng kanyang mga kaanak sa nabanggit na ospital pero hindi na rin ito umabot ng buhay.