MANILA, Philippines - Tiklo ang isang kilabot na holdaper makaraang manlaban ang biniktima nitong dalaga kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Nakakulong ngayon sa Pasay City Jail ang suspek na nakilalang si Mark Allen Baliwag, 32-anyos, ng #362 Cembo, Makati City at miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang.
Sa ulat ng Pasay City Police, mag-isang nag-aabang ng masasakyan ang biktimang si Emiku Namkoong, 18-anyos, 2nd year student ng Saint Benilde College-Manila, sa tapat ng isang bus station sa may Gil Puyat Avenue, Pasay dakong ala-1:50 ng madaling araw nang lapitan ng suspek at tutukan ng patalim.
Sa halip na ibigay ang handbag na naglalaman ng P2,500 cash, cell phone at iba pang gamit, nanlaban ang dalaga ngunit sinapak ito sa mukha ng mas malakas na suspek at kinaladkad sa isang madilim na bahagi ng kalsada at tinangay ang kanyang gamit.
Ngunit sadyang matapang ang biktima na hindi nawalan ng loob na nagsisigaw ng saklolo. Dito natawag ang pansin nina Jose Clemente at Ardie Bailon, kapwa barangay tanod na siyang humabol at nakaaresto sa suspek.