MANILA, Philippines - Matapos lumabas ang report ng Technical Evaluation Committee (TEC) na nagsasabing kuntento sila sa mock polls na idinaos noong Pebrero 2 ng Commission on Elections (Comelec) ay wala nang magaganap pang panibagong mock polls.
Ito ang sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., dahil kuntento ang TEC sa isinagawang mock elections at naayos na rin ang lahat ng minor glitches o mga munting aberya na naganap noon.
Ang TEC ay binubuo ng mga eksperto mula sa Department of Science and Technology (DOST), isang independent IT group, at isa mula sa Comelec.
Layunin aniya ng mock elections na matukoy ang mga pagkakamali at agad namang naitama.
Idinagdag pa ni Brillantes na hindi na rin kakayanin pa ng kanilang iskedyul at budget ang pagsasagawa ng isa pang mock elections bago ang halalan sa Mayo 13.