P4-M na ‘palusot’ na LED TV kinumpiska

MANILA, Philippines - Dalawang sangay ng appliance store sa kila­lang mall sa Pasig City at Mandaluyong City ang sinala­kay ng Bureau of Customs at dito ay mahigit na P4M na mga mamamahaling LED television na hinihinalang palusot ang nakumpiska.

Kabilang sa nasam­sam  ay  ang 7 unit ng HDTV/Sharp LED television  set   na ang bawat isa ay nagkakahalaga mula P85,000 hanggang P600,000,  sa dalawang sangay ng Listening in Styles appliance store sa Shangrila Plaza Mall sa Mandaluyong at sa  Eastwood, Pasig City.

Ayon kay Customs Commissioner Ruffy Bia­zon  bigong makapagpa­kita ng katibayan ang nasabing appliance store  na sila ay nakapagbayad ng kaukulang buwis para sa mga nasabing appliances.

Ginawa ng  BOC ang hakbang  kasunod nang reklamo ni Silverio Montalbo, director ng Sharp Philippines, na imbestigahan ang Listening in Styles stores dahil sa posibilidad ng ilegal na importasyon ng mamahaling tv sets na gawa ng Sharp.
Isinailalim agad ng intelligence group ng BOC sa surveillance ang  nabanggit na tindahan at nang hindi nakapagpakita ng katibayan ng pagbabayad ng buwis ay sinamsam ng BOC ang mga nasabing TV set.

Ayon naman sa panig ng Listening in Style store,  nabili lamang nila ang mga telebisyon na galing sa Estados Unidos mula sa mga OFW.
Magsasagawa si Biazon nang malalimang im­bestigasyon kung paanong nakapasok sa bansa ang mga tv set at kung ano ang maaaring maging pananagutan ng mga opisyal ng appliance store.

 

Show comments