MANILA, Philippines - Nakatakdang pondohan ng pamahalaang Estados Unidos ang pagsasaayos at modernisasyon ng ranger station sa Tubbataha Reef.
Ito ang inihayag ng US Embassy at kabilang dito ang installation ng radar at communications equipment sa istasyon na magagamit ng mga Park Rangers at Philippine Coast Guard para maiwasan ang mga posible pang pagsadsad, collisions ng mga barko at para maprotektahan ang lugar sa mga marine poachers.
Ibabahagi rin umano ng Estados Unidos ang kanilang cartographic information at hydrographic survey data sa Philippines National Mapping and Resource Information Authority para mapalakas ang pagbabantay sa bahura.
Sa susunod na mga araw, magsasagawa rin ang US Embassy ng isang roundtable discussion sa mga local coral reef conservation experts para marinig ang kanilang concerns at pag-usapan ang conservation at restoration ng Tubbataha Reef.
Kalahok sa nasabing pulong ang USAID, U.S. National Oceanic and Atmospheric Agency, Tubbataha Management Office at iba pang ahensya ng pamahalaan.