14-anyos tepok sa suntok ng 13-anyos

MANILA, Philippines - Sumuka ng dugo ang isang 14-anyos na binatilyo na naging dahilan ng kanyang kamatayan matapos na suntukin ng isang 13-anyos na binatilyo kamakalawa sa Quezon City.

Ang nasawi ay kinilalang si Arjon Caber, out of school youth ng Visayas Extension, Pingkian 3, Brgy. Pasong Tamo ng lungsod.

Inaresto naman at dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaukulang disposisyon ang suspek na hindi binanggit ang pangalan dahil sa pagi­ging menor de edad.

Batay sa ulat, dakong alas-3:30 ng hapon ay binu-bully umano ng suspek ang biktima sa nasabing lugar dahilan para pumalag ito at nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Nauwi ang mainitang pagtatalo sa suntukan na kung saan ay sinuntok nang malakas ng suspek ang biktima sa likod.

Pag-uwi ng biktima sa bahay ay sumuka ito ng dugo kaya’t itinakbo ito sa Bernardino Ge­neral Hospital sa Quirino Highway kung saan binawian ng buhay habang ginagamot.

Show comments