EDSA rehab at NLEX-SLEX connector, magkasabay

MANILA, Philippines - Nangangamba ang pamunuan ng Metro Manila Development  Authority (MMDA) na lalo pang sisikip ang daloy ng trapiko sa Metro Manila dahil sa posibleng magkasabay na maipatupad ang Edsa Rehabilitation Project at ang NLEX-SLEX Connector Project.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, malaki ang posibilidad na magkasabay ang implementasyon ng dalawang proyekto.  Nitong nakaraang Biyernes, inaprubahan ng Metro Manila Council ang P3.7 bilyon na proyekto na layong pagandahin ang kahabaan ng EDSA habang nitong Enero 18 na­man inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang P25.55 bilyon NLEX-SLEX Connector Project.

Kapwa pangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang malaking proyekto na inaasahang magpapasikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Sa ngayon ani Tolentino, kailangan ng iba­yong ugnayan ang kanilang ahensya sa DPWH ukol sa sistema ng pamamahala sa trapiko, mga isyu tulad ng alternatibong mga ruta at panahon ng pagsasagawa ng naturang mga proyekto.

Show comments