Estudyante tigok sa rambol

MANILA, Philippines - Tigok ang isang 20-anyos na estudyante makaraang masaksak sa isang rambol kahapon ng madaling araw sa Muntinlupa City.

Isinugod pa ngunit hindi na umabot ng buhay sa Medical Center of Muntinlupa ang biktimang si Joseph  Baldono, residente ng 129 Rizal St., Barangay Poblacion, Muntinlupa sanhi ng isang malalim na tama ng saksak sa dibdib.

Nadakip naman sa ginawang follow-up  operation ng pulisya ang mga suspek na sina Arnold Romero, 29, barbero at naninirahan sa Marigold St., Lakeview, Barangay Poblacion at Christopher Makiling, 34, residente ng 122 Quezon St., Aplaya Poblacion, ng naturang lungsod.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation Division ng Muntinlupa police, nag-iinuman ang grupo ng biktima sa Aplaya Extension dakong alas-2:30 ng madaling araw nang dumaan sina Romero at Makiling at dumura sa kalsada.

Minasama ito ng mga mag-iinuman kasama si Baldono kaya kinompronta ang dalawang suspek. Nagtatakbo naman ang dalawa nang matunugan na kukuyugin sila hanggang sa maabutan ang mga ito at magkasuntukan.

May bitbit palang patalim si Romero at inundayan ng saksak ang biktima.  Natigil lamang ang suntukan nang duguang bumagsak na ang biktima at saklolohan ng mga kasamahan upang maisugod sa pagamutan.

Show comments