Sundalo na bantay sa bahay ng lider ng pyramiding scam patay sa pamamaril

MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi matapos paulanan ng bala ng hindi pa nakilalang motorcycle riding in tandem gunmen ang bahay ni Jacob “Coco” Rasuman, isa ring lider ng pyramiding scam sa naganap na karahasan sa Brgy. Panggao Saduc, Marawi City, Lanao del Sur kamakalawa.

Ang nasawi ay nakilalang si Pfc. Oward John Abellana, mi­yembro ng Army’s 65th Infantry Battalion (IB) na nakatalagang bantay sa bahay ni Rasuman.

Sa ulat ng Marawi City Police, bandang alas-11:45 ng umaga habang nagbabantay ang nasabing sundalo sa bahay ni Rasuman nang dumating ang mga suspek na nakamotor at walang habas na namaril.

Si Rasuman, ay isa ring pyramiding scam boss na kaalyado ni Emmanuel Amalilio na nahuli sa Malaysia at nasa kustodya ng mga pulis doon bunga ng kinakaharap rin nitong hiwalay na mga kasong kriminal.

Matapos bumulagta si Abellana ay kinuha pa ng mga suspek ang M14 rifle nito saka mabilis na tumakas sa lugar.

Pinaniniwalaan namang ang mga armadong lalaki na nagpaulan ng bala sa bahay ni Rasuman ay mga nabiktima nitong investors sa pyramiding scam.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodya ng National Bureau of Investigation si Rasuman na inaresto noong Nobyembre 27, 2012 matapos  na magawa ring makatangay ng bilyong halaga ng investment sa mga nabiktima.

 

Show comments