Biyuda na may bagong nobyo, inutas ng bayaw

MANILA, Philippines - Hindi umano matanggap ng isang bayaw ang agad na pakiki­pagrelasyon ng kanyang biyudang hipag sa ibang lalaki kung kaya’t pinagbabaril niya ito kamakalawa naganap sa Brgy. Tisa, Cebu City.

Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Vi­vian Moran Loreto, 33-an­yos dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Agad na nahuli ang suspek na si Benito Loreto, 42-anyos, alyas Tatay Boyi.

Batay sa ulat, bandang alas-6:00 ng gabi kasaluku­yang nakikipag-inuman ang suspek kina Celirena Palagdag at Jay Culiamat nang dumating ang biktima galing sa maghapong paglalako ng mga halamang gamot na siya nitong pinagkakakitaan para buhayin ang kaniyang mga anak.

Agad umanong sinita ng suspek ang biyudang hipag at pinagmumura ito dahilan ginagabi umano sa pakiki­pag-date sa kaniyang bagong nobyo gayong isang buwan pa lamang namamatay ang kaniyang kapatid.

Si Vivian ay biyuda ng na­mayapang kapatid ni Benito na namatay sa sakit sa baga noong nakalipas na buwan.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng da­lawa hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pagbabarilin ang ginang.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong kriminal.

 

Show comments