MANILA, Philippines - Isang 18-anyos na binata ang ipinaaresto ng kanyang kapitbahay matapos na makita dito ang suot na mamahaling rubber shoes na kanyang pag-aari kahapon ng umaga sa Pasig City.
Ang suspek ay nakilalang si Mateo Javier, ng P. Bernardo St., Brgy. Caniogan, Pasig City.
Sa reklamo ng biktima na si Darius Rivera, 20, residente ng Dr. Sixto Avenue, Brgy. Caniogan, dakong alas-7:00 ng umaga nang makita niya na suot ng suspek ang nawawala niyang sapatos.
Ayon sa biktima, dakong alas-2:00 ng madaÂling-araw ay nagising siya at laking gulat nang madiskubreng bukas ang pintuan ng kanilang bahay at nawawala ang nasabing sapatos.
Sinabi naman ng suspek na sinungkit niya ang lock ng pintuan ng bahay ng biktima at nang makapasok ay tinangay nito ang isang pares na Nike rubber shoes at mamahaÂling sandals na nakalagay sa kanilang shoe rack.