MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Alferez Group ang nadakip nang salakayin ng mga pulis ang hideout nito sa Caloocan City kamakalawa.
Ang suspek ay nakilalang si Carmelo Soler, alyas Dudot, 41-anyos, tubong Oroquieta City, Misamis Occidental at naninirahan sa Veraville Subdivision, Bacoor City, Cavite.
Batay sa ulat, dakong 4:35 ng hapon nang maaresto ang suspek sa isa sa mga hideout ng grupo, na matatagpuan sa #4519 San Vicente Ferrer, Barangay 178, Camarin ng lungsod.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya mula sa isa nilang asset na nakita ang suspek na pumasok sa hideout ng Alferez Group.
Nagsagawa nang pagsalakay ang mga pulis at naabutan nila ang suspek at nakumpiskahan ng isang caliber .38, M-16 rifle, mga bala at isang hand grenade.
Matatandaan na noong Enero 30 ng taong kasalukuyang nang pasabugan ng granada at pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek ang isa sa mga hideout ng Alferez Group na matatagpuan sa Block 7, Lot 12, Catleya St., Deparo, Barangay 168 na naging dahilan ng pagkamatay ng isa sa mga miyembro ng sindikato na si Eduardo dela Cruz Nobleza “alyas Eddieâ€. Habang nakatakas naman sina Diosdado Nobleza Alferez; Jimmy Parame at Jerry dela Cruz.
Kabilang sa mga kasong kinasasangkutan ng Alferez Group ang panghoholdap sa Union Bank-Makati (2003), Allied Bank-Vito Cruz (2005), Jewelry Robbery Hold-Up-Davao (2008), BPI-Commonwealth (2011) at iba pa.