Obrero dinedo ng ex-bf ni misis

MANILA, Philippines - Pinagbabaril ang isang construction worker ng umano’y dating nobyo ng kanyang misis kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.

Namatay habang ginagamot sa Muntinlupa City Medical Center ang biktimang si Vic Joseph Escasinas, 20, nakatira sa #362 Summitville Subdivision, Gonzales Compound, Barangay Putatan ng naturang siyudad. Nagtamo ito ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa ulat, ala-1:20 ng madaling-araw ay naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Marcos Avenue, Summitville pauwi sa  kanilang bahay nang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito.

Agad na tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod ng ilang taong nagmamalasakit sa nasabing ospital.

Lumalabas sa im­bestigasyon ng pulisya, na bago ang krimen ay nakaaway ng biktima ang isang alyas Mac-Mac na umano ay dating nobyo ng kanyang misis.

Malaki ang hinala ng pulisya na nagseselos pa rin si alyas Mac-Mac dahil naagaw sa kanya ng biktima ang dati nitong nobya na naging misis ng biktima.

 

Show comments