Fil-Am nahulihan ng baril at bala sa NAIA

MANILA, Philippines - Isang Filipino-Ame­rican national na pabalik na sa Estados Unidos ang dinakip ng mga customs officials matapos na makuhaan ito ng baril at bala kahapon ng umaga sa Ninoy Aquino Internatio­nal Airport (NAIA).

Batay sa ulat ng  BoC, Task Force React na isi­nu­mite sa tanggapan ni Commissioner Ruffy Biazon, kinilala ang suspek na si Esmael Bulatao, 59, tubong Canan Norte, Panga­sinan.

Batay sa ulat, dakong alas-10:00 ng umaga sa de­parture area ng terminal 1, NAIA ay pabalik na sa US si Bulatao na sasakay sa Korean Air, dahil may stop-over ito sa Seoul Korea.

Habang isinasalang ang mga bagahe nito sa x-ray machine, napansin ng mga tauhan ni Biazon na nakatago dito ang isang kalibre .22 magnum at 19 pirasong mga bala.

Agad na sinuri ng mga customs police kung may dokumento ang dala nitong baril at mga bala, at nang walang maipakitang dokumento ay agad itong inaresto.

Ang suspek ay naka­takdang sampahan ng paglabag sa illegal poss­sesion of fire arms at Omnibus Election Code (gun ban).

 

Show comments