MANILA, Philippines - Dedo ang isang bike rider makaraang salpukin ng isang kotse sa Pasay City, kahapon ng madaÂling araw.
Ang biktima ay hindi na umabot ng buhay sa Pasay City General Hospital dahil sa tinamong pinsala sa katawan ay kinilalang si Delfin Arellano, nasa hustong gulang.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang nakabanggang driver sa biktima na si Oliver Reyes Agbayani, 35-anyos, may asawa, empleyado ng Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR) at residente ng #2712 A. Capinpin St., Bangkal, Makati City.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Marianito Agas ng Traffic Enforcement Unit ng Pasay City Police, dakong alas:4:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Edsa malapit sa kanto ng FB Harrison St., Pasay City.
Ayon sa report, minamaneho ni Agbayani ang isang Honda Civic (TGZ-976) nang biglang sumulpot umano sa kanyang harapan ang biktima na nakabisikleta kaya nasalpok ito.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima at tumama ang kanyang ulo sa sementadong kalsada na siyang dahilan ng kanyang kamatayan.
Nahaharap ngayon si Agbayani sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide sa Pasay City Prosecutor’s Office.