MANILA, Philippines - Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima na hindi sasagutin ng PNP ang gastusin sa pagpapagamot sa St. Luke’s Medical Center sa Global City ni Sr. Supt. Hansel Marantan, ang nasugatang team leader sa sumablay na operasyon ng madugong shootout sa Atimonan, Quezon na ikinasawi ng 13 katao.
Ayon kay Purisima, maaari lamang mag-claim si Marantan ng kaukulang halaga na naaayon lang sa patakaran ng PNP.
Anya, masyadong maÂtaas ang bill ni Marantan gayong mayroon naman silang PNP General Hospital.
Samantala, inihayag din ni Purisima na bubuwagin na ang Counter-Intelligence Unit ng Intelligence Group ng PNP, ang tanggapan na kinabiÂbilangan ni Marantan dahil sa walang naiambag na magandang trabaho sa kapulisan.
Si Marantan, Deputy Chief ng Intelligence ng Police Regional Office (PRO) IV A ang namuno sa checkpoint at umano’y shootout sa grupo ng umano’y lider ng gun for hire na si Vic Siman na isang operator ng illegal gambling na bookies.
Kabilang si Siman sa nasawi sa nasabing shootout na pinagdudahang rubout gayundin si Sr. Supt. Alfredo Consemino, dalawa nitong security escort, dalawang sundalo, isang environmentalist at iba pa.
Gayunman, nilinaw ni Purisima na papalitan lamang ito ng panibagong unit na magtratrabaho ng naayon sa mandato ng PNP at maayos ang serbisyo.