MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang isang 75-taong gulang na lolong balikbayan makaraang makumpiskahan ng 50 bala ng baril sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Pasay City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni BoC Commissioner Ruffy Biazon ang suspek na si Domingo Aquino, isang Filipino-American citizen.
Nabatid mula sa ulat na isinumite nina NAIA District Commander Marlon Alameda at Assistant Chief and Investigation Customs police Byron Carbonell ng ‘BOC Task Force React’ sa tanggapan ni Comm. Biazon, na si si Aquino ay sakay ng Philippine Airline, flight PR 105 at nagmula ito sa San Francisco, California, United State of America (USA).
Ayon sa report, ganap na alas-4:00 ng hapon nang dumating ng Terminal 2 ng NAIA ang suspek at may connecting flight ito patungong Cebu PR847.
Habang nagsasagawa ng inspection ang isang OTS personnel na si Bryan Mark Lozano, nakita sa x-ray machine sa bagahe ng suspek ang hugis ng mga bala ng baril.
Nang berepikahin ang laman ng bagahe ni Aquino, nakita ang isang kahon na naglalaman ng 50 pirasong mga bala ng .9mm na nakalagay sa isang toilet bag.
Hinanapan ng permit si Aquino pero wala itong maiÂpakitang kaukulang dokumento kaya siya inaresto.