“Liquor ban” nais palawigin

MANILA, Philippines - Nais ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na palawigin ang implementasyon ng “liquor ban” sa buong Pilipinas ngayong election period.

Sinabi ni MMDA Chair­man Francis Tolentino, bukod sa paglaban sa krimen, layon naman nila na mabawasan ang aksidenteng nagaganap sa Metro Manila dulot ng mga lasing na nagma­maneho ng kotse o motor­siklo.

Sumulat si Tolentino sa Commission on Election (COMELEC) para por­mal na maiparating ang kahilingan.

Hindi kasi tulad ng “gun ban” na nag-umpisa nitong Enero 13 at magtatapos ng Hunyo 12. Habang hanggang Mayo 12 lamang epektibo ang “liquor ban”.

Nais ng MMDA na magsabay na lamang ang dalawa ngayong eleksyon.

Sinuportahan din ng MMDA ang Senate Bill no. 3365 na nagtataas ng multa at parusa sa sinu­mang  mahuhuling nagmamaneho ng nakainom ng alak at iligal na droga.

Inindorso ni Senador Gringo Honasan ang panukalang batas nitong nakaraang Disyembre lamang at umaasa ang MMDA na agad itong ma­aprubahan.

Sa datos ng MMDA, patuloy ang pagtaas ng aksidenteng dulot ng “drunk driving” mula 2011 hanggang 2012.

Ginagawa naman umano ng pamahalaan ang lahat ng paraan para ma­ging ligtas ang mga kalsada ngunit hindi maiiwasan ang aksidente kung mismong mga motorista ang nakainom o kaya ay sabog sa bawal na gamot.

 

Show comments