MANILA, Philippines - Sampung katao ang nasawi kabilang ang adik na suspek na napatay din ng mga rumespondeng pulis matapos itong mag-amok sa pamamagitan ng pamamaril kahapon ng umaga sa Kawit, Cavite na ikinasugat din ng 11 katao.
Ilan sa mga nasawi ay kinilalang sina Michaella Andrea Caimol, 6; Alberto Fernandez, 55; Gilbert Toledo; Al Orio, buntis na ginang na si Rhea De Vera, 34; Irene Funelas, 40 at Adoracion Cabrera.
Kabilang sa mga nasugatan ay sina Ricky Diola Dump-ig, 17; Maricel Pal Santiaguel, 30; Chen Clamoc; Kevin Magararo Vallada, Ken Cedric Caimol, 5; Cheveri Jaminal Ayson, Irene Funetas at Al Drio.
Ang suspek na napatay ng mga nagrespondeng pulis ay kinilalang si Ronald “Bossing†Bae, residente ng Brgy. Tabon 1 sa bayang nabanggit.
Nabatid na si Bae ay kumandidatong barangay chairman noong 2010 halalan sa kanilang lugar, subalit natalo ito.
Batay sa ulat, bandang alas-9:30 ng umaga nang magsimulang mamaril ang suspek na si Bae na armado ng cal. 45 pistol sa lahat ng mga tao at mga aso na kanyang masalubong.
Pinapasok din nito ang mga bahay ng kapitbahay at pinaputukan ang inabutang mga tao na ikinasawi ng batang biktima habang hinahanap ang isang nagngangalang Alberto na umano’y may atraso sa kanya.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na Huwebes pa lamang ay naglalasing na ang suspek sa kanilang lugar at kinaumagahan ay bigla na lamang itong nagwala at walang habas na namaril.
Rumesponde ang mga elemento ng pulisya at tinangkang arestuhin si Bae, pero pumalag ito at namaril sa mga pulis kung kaya’t napilitan ang pulis na barilin ito.
Nagawa pang isugod sa pagamutan si Bae, subalit idineklarang itong dead-on-arrival.
Isa namang alyas John Paul ang tinutugis rin ng pulisya matapos na iturong ito ang nagkarga ng bala sa baril na ginamit ng suspek.
Nag-alok na rin si Cavite Governor Jonvic Remulla ng P 100,000 reward kapalit ng ikaaaresto ni John Paul.
Narekober sa katawan ng napatay na suspek ang mga sachet ng shabu at pinaniniwalaang naka-droga ito nang isagawa ang pamamaril.